Sunday, February 27, 2011

Talambuhay



 Ang Walang Hanggang Pakikipagsapalaran Ko sa Mundo


Bawat araw nababawasan ang bilang ng tao ngunit kapalit naman nito ay ang mga bagong silang na sanggol. Bawat pagluha nito ay katumbas ng mga pagsubok niyang haharapin upang magtagumpay sa buhay. Wala sinuman ang nakakaalam kung ano ang kahihinatnan niya sa pakikipagsapalaran dito sa mundo. Tanging siya lamang ang guguhit ng kanyang kapalaran na maaaring maging matagumpay na hinaharap o masaklap na karanasan sa buhay.

(Pinahiga ako nina mama sa libro ng Nursing at Geometry)
       Ika-27 ng Setyembre noong taong 1995, nang isilang ako ng aking pinakamamahal na ina na si Lucia Layba. Tuwang-tuwa naman ang aking masipag na ama na si Renato Pagaduan habang hawak hawak niya ako sa kanyang mga bisig. Sabik na sabik sila sa akin dahil ako ang kauna-unahan nilang anak. Ngunit bago maganap ang kasiyahang ito, naghirap ng husto ang aking ina dahil “first time” niyang manganak, nahimatay siya matapos akong mailabas sa kanyang sinapupunan.
(sarap ng pagkakahiga ko sa sofa namin
hahaha!)
Kinabahan ang aking lola dahil karamihan sa mga nanganganak ay di na nabubuhay. Buti na lang at hindi ganoon ang nangyari. Pagkatapos ng ilang oras ay nagising na si mama.agad niya akong nakita sa kanyang tabihan. Pangit ang aking itsura noong ako’y sanggol pa lamang sapagkat kulay”violet” ang aking ulo at medyo malaki na ang aking noo. Sabi ng doctor dahil daw yun sa kamuntikan ko nang pagkalunod sa tiya
n ni mama. At sa araw ding yon, pinahiga ako ng aking ina sa libro ng Nursing at Algebra, para daw tumalino ako, pero feeling ko fifty-fifty na may effect yun.
(Si Maam Plantilla at ako noong kaarawan ko)
Si mama ay tubong Quezon at si daddy naman ay tubong Maynila. Si mama ay isang mananahi ng damit samantalang si daddy naman ay isang tricycle driver. May dalawa akong kapatid dina Renee Rose at si Leandro. Sila ang palagi kong kalaro kahit hanggang ngayon.
(larawan ko ito nang makapagtapos ako sa kindergarten)
Nung
nag-kinder ako, pumasok ako sa Pook Kasiyahan Learning Center, medyo malapit yun sa amin. Doon ko nakilala ang kauna-unahan kong mga guro na sina Maam Plantilla at Maam Jolly. Sa klase naming ako na yata ang pinaka makulit na luka-luka at suti na estudyante. Nasabi ko iyon dahil minsan ay sinusukuan ako ng mga guro ko sa sobrang kulit ko. Pang-umaga ako ang klase ko noon ngunit nilipat ako sa pang-hapon dahil sa kadaldalan ko. Napalipat lang ulit ako sa pang-umaga nung magreklamo ang ibang mga magulang dahil magaling naman daw ako sa klase bakit daw ako nilipat sa panghapon. At dahil dun napalipat ako sa pang umaga. Naalala ko pa noon nung nagtest kami tungkol sa subtraction, dahil absent ako noong ituro yon, sagot ko ay laging one at dahil doon ang score ko ay zero (palakol!). Naalala ko rin noon na lagi akong naabutan ng hapon sa skul dahil ang tagal ni daddy na sunduin ako. Nang makapagtapos naman ako ng kinder, late ako kaya naman naubusan ako ng ribbon. Kaya umakyat ako ng stage na walang ribbon kahit isa.
Nung mag elementary naman ako, pinapasok ako ni mama sa San Pablo City Central High School. Dahil late akong mag enroll, ang baba ng section ko, section 11. Ang guro ko naman doon ay si Maam Rubia.
(ako noong ako'y grade one)
Nakilala ko naman si Tony, napakatalino niya, nakakabasa na siya ng English words. Sa aming klase, kami lang ang nakakabasa ng tagalog. At dahil si Tony lang ang nakakabasa ng English words siya ang President at ako naman ay Vice President.
Nung grade two ako, tumaas ang section ko ng di ko inaasahan, section 2! Masaya naman ako noong taong iyon kahit na medyo mahigpit ang aking guro dahil kapag di ka nakasagot ay papaluin ka niyang sandals niya na may mataas na taking na kapag napalo ka, siguradong mapapaiyak ka sa sakit!. Pero ewan ko ba kung bakit ako nilalayuan ng mga kaklase ko. Sumasali ako sa mga laro nila ngunit nag-aayawan naman sila padating na ako. Ang ginagawa ko na lang pumupunta ako sa isang tabi at inaaliw ang aking sarili sa pamamagitan ng pag guguhit ng mga taong “stick” kasi yun lang naman ang nakakaya ko noong mga panahong iyon. Araw-araw na ganun ang estado ko, ayaw nila sa akin pero kapatid ko ang gusto nila. Noong itanong ko kung bakit ayaw nila sa akin, sinabi nila na pangit ako di tulad ng kapatid ko. Okay lang naman sa akin na gusto nila sa kapatid ko ngunit ang hindi ko lang matanggap kung bakit kailangan ng panlabas  na anyo upang magkaroon ng kaibigan. Nagpatuloy ang pangyayaring iyon hangang sa magkaroon ng patimpalak sa pag-awit ng paru-parong bukid. Pinag- sali ako ng guro ko. Nang araw na ng nasabing patimpalak medyo nahihiya ako dahil ang costume ng mga kalaban ko ay talagang masasabi kong BONGANG-BONGA! Samantalang ako ay simple lang, ngunit nawala ang pagkahiya ko nang umawit na ako. Nakikita ko yung mga hurado na nag-eenjoy sa aking awitin. Nadagdagan naman ang aking kasiyahan nang makuha ko ang unang puwesto. Nang pumunta ako sa aking room, nakakapanibago ang mga kaklase ko dahil hindi pa man ako lumalapit ay niyaya na nila akong makipaglaro sa kanila.
Tuwang-tuwa naman ang aking guro sa pagkapanalo kong iyon. Dahil din doon nabigyan kami ni daddy ng oportunidad na magtanghal sa Family Day.
     Nang mag- grade 3 ako, pinagkatiwala sa akin  ng aking guro na maging Teacher Leader, isang puwesto na mas mataas pa sa pagiging president. Masaya
(ako noong ako'y Grade three)
naman din ako kahit may umaaway pa rin sa akin. Hanggang sa, may kaklase ako na masyadong maarte, mapang-api na palibhasa’y mayaman, sanay na nakukuha ang gusto niya. Siya si Ikay. Naaalala ko pa noon nung bigyan ako ng aking guro ng isang baso ng Coke. Humingi siya at binigyan ko naman ngunit imbes na magpasalamat, binigay na lang niya sa akin ang baso na walang laman. Sumama talaga ang loob ko sa kanya. Isang araw, papasok na ko ng classroom nang sabihin niya sa akin na tinanggal na daw ako ni maam bilang Teacher Leader. Nagtataka ako kung bakit dahil wala naman akong ginawang mali. Hanggang sa nalaman ko na siniraan niya pala ako kay maam, pinabayaan ko na lamang siya dahil sabi ni daddy, ipagdasal ko na lamang daw siya. Sa kabilang dako, nakilala ko naman ang isang tunay na kaibigan, si Marvi Kate Lagaya. Tuwing inaaway ako, siya lamang ang nagtatanggol sa akin. Sabi niya sa akin, ako daw ang bestfriend niya. Napakasaya ko noon dahil sa wakas, nagkaroon ako ng mabait na kasangga na kahit mahirap lang ako, ay tanggap na tanggap niya ang buong pagkatao ko.
     Noong grade-four ako, hindi ako nasamahan ni mama sa pag-eenroll dahil madami siyang gawa kaya si daddy na lang ang sumama sa akin ngunit iniwan naman ako ni daddy sa may gate ng school. Sabi niya matuto daw akong mag-isa. Pumunta na ako sa room ko ngunit nang hindi ko makita ang aking pangalan sa listahan, hindi ko alam ang aking gagawin, pumunta ako sa may gym upang hanapin kung saan ba talaga ang room ko pero wala akong makita. Dahil bata pa lang ako noon, hindi ko alam kung anong gagawin ko. Iyak ako ng iyak hangang sa napagpasiyahan kong umuwi na lang. Binaybay ko ang daan patungo sa amin ngunit bumalik naman ulit ako sa school dahil hindi ko alam ang daan. Iniisip ko na wag na lang akong pumasok kahit kailan ngunit nakita ako ng isang matandang lalaki na nag magandang loob na tulungan ako. At dahil sa kanya, nalaman ko na nalimutan lang pala ng aking guro na ilagay ang aking pangalan sa nasabing listahan. Sa taong ding yon, sumali ako sa choir sa pamamahal ni Mrs. Elaine Adajar. Bukod sa mabait ay magaling pa siyang tumugtog ng piano kasabay ng kanyang malamig na pag-awit.
     Noong grade five, hindi ko inaasahan na si Maam Adajar din naman pala ang magiging guro ko. Inaakala kong magiging maganda ang taong ito ngunit nagkamali
(larawan ko noong ako'y grade 5)
ako. Lagi na lamang akong naa-out of place dahil halos sila ay mayayaman. Konting pagkakamali ko lamang ay inaaway na nila ako, kung hindi pandidilatan ng mata, ay pagsasabihan ako ng masasamang salita. Natuto akong maging mataray dahil nakita ko na kapag mataray ka matatakot silang kalabanin ka ngunit di ko nakaya ang pagiging mataray dahil hindi iyon normal para sa akin. Lagi na lamang akong umiiyak hanggang sa makilala ko si Geezelle Enriquez. Siya ang nagtatanggol sa akin. Ngunit kapalit ng mga masasamang pangyayaring ito, naging soloista ako ng Central dahil si Kuya VJ, ang dating soloista ng Central ay naging abala dahil siya ay magtatapos na ng elementarya. Noong magkaroong ng isang program sa gym ay pinakanta ako ng lakeside march ngunit sa di inaasahang pagkakataon, nalimutan ko ang pang huling lyrics kaya naman nag-shortcut na lang ako.
     Ang pinakamakulay ko namang taon sa elementarya ay noong mag-grade 6 ako. Naging masaya ako kahit nagkahiwalay kami ng section ni Marvi Kate dahil bukod kay Gezelle nakilala ko sina Jhanina at Justine Tolentino. Magkakasama kami tuwing
(ako, si daddy at si Renee Rose)

recess at laging magkakapareho ang binibili naming pagkain. Hindi kami nag-iiwanan sa hirap man o ginhawa. Napatunayan namin ito nang magsumbong kami sa principal tungkol sa maling ginagawa ng guro ng kapatid kong babae. Sinabi namin na lagi niyang pinagbabayad ang mga estudyante niya kahit wala namang bibilhin. Pinatawag siya ng principal at sa di malamang dahilan, nalaman ng gurong ito na kami ang nagsumbong. Sinabi ng kapatid ko na sinabi niya ang mga bagay na iyon sa kanyang guro. Iyak kami ng iyak dahil lagi nito kaming pinatatawag sa kanyang room na wala man lang paalam sa aming adviser. At di naglaon, nalaman ng halos lahat ng subject teachers namin ang tungkol dito. Sa sobrang pag-iyak namin, makikita ninyo ang aming Graduation picture na pugtong-pugto ang aming mga mata. Samantala, tuwing nagte-test kami sa Science lagi na lang akong bagsak at kung hindi bagsak, ako ang lowest. Nagpursige ako sa pag-aaral nang sabihin ng akong guro na ibinabagsak niya ang mga estudyanteng mababa ang scores sa mga test. Kaya naman nagulat siya nang maging achiever ako noong ako’y nagtapos ng elementarya. Ngunit as usual, late na naman ako kaya kakaiba ang aking bulaklak. Sa taong ding ito, first time kong makatanggap ng bulaklak noong birthday ko na kahit plastic ay mahalaga pa rin sa akin. Nang sumali ako sa isang singing contest, nag 3RD place ako. At noong binati niya ako, ayaw niyang bitiwan ang aking kamay.
     Ngunit sa kabila nito, hindi ako bumili ng kahit anong class picture noong elementary dahil bukod sa wala akong pambili, ayokong maalala ang mga mapapait na karanasan ko noon.
     Nag aral naman ako ng high school sa Col. Lauro D. Dizon Memorial National High School o in short, Dizon High. Nag test ako dito upang mapasama sa science section pero di ako nakapasa. Naging 1-A ako , masaya na ako dito dahil may dati akong kaklase doon. Ngunit dahil kulang ang science section ng ilang estudyante, pinag-test ulit kami. Ang usapan namin ay hindi namin ipapasa ang test dahil kaunti lang ang electic fan sa room ng science kaya halos lahat ng aking sagot sa test ay puro hula. Ngunit nang sabihin na ang resulta ng test namin, nagulat ako dahil, napasama ako sa mga nakapasa. Sa klaseng iyon, una kong nakilala si Cathlyne, siya ang naging best friend ko noong 1ST year ngunit hindi pa nangangalahati ang taon ay lumipat na siya ng Quezon.  Kahit nagkahiwa-hiwalay kaming apat ninna Gezelle, Jhanina at Justine, hindi nila nalilimutan ang aking kaarawan. Noong kaarawan ko, pumunta lang sila sa Dizon upang batiin ako ng maligayang kaarawan. Ang mga kaklase ko naman ay madali kong napakisamahan dahil ibang iba sila sa mga naging kaklase ko. Ginagalang at nirerespeto nila ako.  Lalong sumaya ang aking pagiging freshmen noong manalo kami sa Ibong Adarna. Sa huling buwan ng pagiging 1ST year , nabawasan kami ng dalawa, sina Cathlyne at Jhonna, pareho silang lumipat ng eskwelahan.
     Nang mag 2ND year ako, wala pa ring pinagbago, dahil sila pa rin ang kaklase ko. Noong recognition ng 1st grading, hindi ko inaasahan na makakapasok ako sa top 10. Akala ko noon naka tsamba lang ako ngunit nasundan iyon hanggang 4Th year. Ang saya-saya talaga! Ngunit habang tumatagal unti-unti na naming nararamdaman ang hirap. Sa dami ng mga test, projects, at assignments na minsan ay nagkakasabay-sabay pa, normal na sa akin ang matulog ng 11 pm at gigising minsan ng 4 or 5 am at minsan pa nga nagigising ako ng 6 dahil sa puyat. At hindi lang yan, dahil nga puyat ako lagi, bukod sa mga lumalaki kong eyebags, madalas na rin akong kinukompara sa mga kapatid ko dahil sa kaliitan ko. Kahit kapatid ko tinatawag akong unano, pandak, at kung ano-ano pang mga masasakit na salita. Mahapdi, ngunit dinadaan ko na lamang sa pagluha ng tahimik dahil kahit baligtarin ang mundo, tama sila. Tanging sina mama at daddy lamang ang naging sandigan ko noon at hanggang sa ngayon. Idagdag pa diyan ang panunukso sa akin ng mga tita at tito ko.
     At ngayon ay 3rd year na ako, as usual sila pa rin ang kaklase ko pero hindi ako nagsasawang sila lagi ang aking nakikita dahil masaya silang kasama. Kaya kapag may class picture kami, hindi ko pinalalagpas na hindi ako makabili dahil siguradong sigurado ako na sila ang tanging mga kaklase ko na nais kong  balikan sa
(larawan ko ngayong 3rd year)
aking pagtanda. Kung Grade 6 ang pinakamakulay kong taon noong elementary, ngayon, 3rd year ang pinakamakahulugan kong taon sa high school.  Lalo na noong makapasok ako sa audition ng radio broadcasting (Filipino). Lumaban kami sa Sta. Rosa kung sann nakamit naming ang unang gantimpala kaya ngayong April, pupunta kami sa Butuan City upang lumaban para sa national level!! At ang pagiging senior, ay hindi kumpleto kung walang JS Prom na talaga namang pinaghahandaan ng lahat. Ang JS namin ay Hawaiian theme. Ang aking isinuot ay gawa ng aking magaling na ina. Nung una, akala namin magmumukha kaming weird sa theme na iyon ngunit nang makita namin ang venue napa-wow kami sa ganda. Pagkatapos ng ilang program nagsimula na ang sayawan. Akala ko nga mababangko ako pero buti na lang may nagsayaw sa akin. At kapag naman tumutugtog ang mga nakakaindayog na tugtugin ay nagsasayaw kami na para bang wala nang bukas. Kapalit nag mga kasiyahang iyon, humharap kami ngayon sa isang malaking suliranin. Iyon ay ang pagtatanggal ng ilan sa amin upang ilipat sa section A. Kung hindi namin maaabot ang average na 85 pataas ay sigaradong mawawala na kami sa science. Tuwing napag-uusapan ang
(ako at ang aking kapatid)
tanggalang magaganap, lahat kami ay kabado at malungkot. Minsan pa nga hindi namin maiwasan ang lumuha dahil iniisip namin na pagkatapos ng tatloong taon ay magkakahiwa-hiwalay na kami. Upang hindi ako mawalay sa aking mga kaklase, nagsisipag akong mag-aral.
(Family Picture namin noong nakaraang Pasko)
     Hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang pakikipagsapalaran ko sa aking buhay
upang makamit ang aking mga mithiin. Kahit anong hirap at pangungutya na aking matatamo, kaya kong tiisin hanggat may Panginoon na gumagabay sa akin at mga magulang na nagbibigay suporta sa akin.

No comments:

Post a Comment